Paano nga kaya kung mapatunayang nagkasala ang dating pangulong Gloria at ilang mga alipores nito? Maibabalik pa ba ang mga bagay na kinuha nila sa ating bayan?
Ang tanong, may mababawi pa ba? Siguro ito pa ang isang dapat pagtuunan ng pansin ng ating kasalukuyang pangulo. Kapag napatunayang nagkasala ang isang opisyal sa panahon ng panunukungkulan, dapat tanggalin kaagad, alisan ng mga benepisyo at ipataw ang nararapat na parusa na gaya ng mga taong naturingan kriminal.
Hindi dapat pinagtatakpan ng gobyerno kung sino man ang mga ito. Kailangang malaman ng bayan kung sino sila at kung ano ang kanilang naging pagkakasala upang sa gayon, malaman ng taong bayan kung sino ang dapat iwasan. Malaman ng tao kung sino ang mga mapagsamantala sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Hindi dahilan na sila ay nasa katungkulan pa kung kaya hindi sila maaaring litisin. Mas mainam na malitis kaagad upang hindi na mabaon sa limot ang kaso. Sa dami ng mga kasong dinidinig, malamang may panahon pa itong makalusot.
Kung ano man ang mga nakaw na yaman ng isang opisyal, dapat bawiin lakip na ang tubo nito at ibalik sa kaban ng bayan nang magamit sa ibang pang proyekto ng pamahalaan. Sapagkat marami pang kulang sa ating bansa na hindi nakakamtan ng ibang mga lalawigan.
Dapat talaga merong mga pamantayan na dapat sundin para maparusahan ang mga kawani at opisyal ng pamahalaan. Dapat hindi na sila muling bigyan pa ng pagkakataon na maglinkod sa bayan sapagkat maaring malala lang ang susunod pang gagawin niya sa oras na maibalik pa siya sa puwesto.
Isipin natin, sa ilang dekada, maraming nangyaring kurapsiyon sa ating bansa na naging dahilan ng lubos na paglubog ng ating pamumuhay at maging ang ekonomiya. Ilang taon tayong nagtiis dahil wala naman tayong boses, ni kahit ang mga hinalal nating mga kandidato na alam nating tutulong sa atin at sa bayan, hayun nakalimutan na nila ang kanilang panata. Pagkatapos, ganun-ganon na lang na sa isang "sorry", ay ilalagay na lang sa limot ang lahat. Hindi porke opisyal eh hindi dapat makulong. Kaya nga mas humanga pa ako kay Joseph Estrada na talagang hindi umalis ng bansa at nakulong sa salang kanyang nagawa.
Puwede bang gawin na kung nagkasala ang isang presidente o sino mang opisyales ng bansa, litisin hanggang sa malaman kung nagkasala o hindi? Dapat mag leave muna ito habang nililitis ang kaniyang kaso. Pansamantala, ang bise-presidente ang hahalili sa panahon na nililitis ang kaso ng isang presidente upang hindi maimpluwensiyahan ang kaniyang kaso.
Mahirap bang malaman kung magkano ang nakulimbat ng isang opisyal? Samantalang nariyan naman ang mga magagaling na mga accountant ng bansa o ang COA, para matuos kung magkano ang nawala sa kaban ng bayan na dapat ibalik at gamitin sa kapaki-pakinabang na proyektong magpapaunlad ng ating bayan.
Sana lang maging totoo ang lahat ng opisyal ng gobyerno sa kanilang tungkulin. Tama na ang kurapsiyon at paunlarin ang ating bansa. Sana sa loob man lamang ng isang dekada ay maranasan natin ang tunay na kaunlaran, kapayaan at modernong Pilipinas.
No comments:
Post a Comment