Kanina lang sinamahan ko ang step-son ko para kumuha ng mga papeles para sa paghahanap ng trabaho. Mas mainam talaga ang naka-motor dahil mas napapabilis ang pag-aasikaso ng mga papeles. Alas-nueve ng umaga ng magsimula kami una sa barangay para sa cedula at barangay clearance. Okay naman ang naging serbisyo ng barangay namin. Doon na rin kami humingi ng Postal ID Application form. Sa madaling salita, ipapasa na lang namin ito sa munisipyo.
Sa munisipyo, inuna muna namin ang Police Clearance. Ang kalakaran sa ngayon, fill-up ka muna ng form tapos magbabayad ka sa kahera sa loob ng City Hall. Tapos, dalhin ang resibo kasabay ng form para sa processing at picture taking . Hindi naman matagal ang naging proseso. Siguro dahil kaunti lang ang kumuha ng time na pumunta kami.
Sumunod ay pumunta na kami sa Postal Office sa bukana lang ng munisipyo. Kumpleto naming ipinasa ang barangay clearance at application form na may kasama ng 2x2 ID pictures (3 pcs.). Nagbayad kami ng P450 para sa processing ng Postal ID. Nabigla kami sa mahal ng singil ngayon sa Postal ID dahil last year nasa P305 lang. Ang matindi, may interview na ngayon ang mga aplikante at claim stub kung anong oras at kailan mo makukuha ang ID kaiba sa naranasan namin last year. Dahil alas-singko ang release ng sa amin, umuwi muna kami para magpahinga dahil hindi na rin naman makakuha ng NBI kung walang valid ID.
Bago mag-alas singko ng hapon bumalik na ako dala ang claim stub at hindi ko na kasama ang step-son ko. Pagdating ko doon nagtanong ako kung okay na. Ngunit ang sabi sa akin ay eksaktong 5 pm daw ang dating nung mga ID ng second batch ng applicants. Okay so, naghintay muna ako. Pansin ko din yung iba na naghihintay. Siyempre, sa pag-aalala ko na baka hindi ko makuha sa araw na ito, nagtanong ako sa mga in-charge doon kung bakit matagal na ngayon ang release. Ayon sa kanila, wala raw kasi ang post master kaya dinadala pa daw ito sa main na matatagpuan sa Hagonoy, Taguig. Dahil mag-alas singko na, nagtanong uli ako kung nadala na ang papel namin doon. Sabi on-the-way na daw yun at baka na-traffic lang. Kaya, hindi ko naiwasang maging makulit na medyo nagtataas ng boses. Tanong ko, "Paano kung alas-singko na at hindi dumating yung inaasahan namin? Sasabihin ba nila na bukas na lang uli? Aba'y hindi naman siguro maganda yun kung ganun nga.
Dahil halos naka-simangot na rin ang iba dahil sa tagal tapos ang mahal pa hindi maiwasan na magkalabasan ng saloobin. Maya-maya biglang sumingit sa usapan namin ang isang empleyado ng munisipyo at ipinaliwanag sa amin kung bakit nagkaganun na dati rati nama'y mabilis ang serbisyo ng pagkuha ng Postal ID.
Aniya, gawa ng hindi hawak ng lokal ang Postal ID Services, hindi kontrolado ng mayor ang paraan ng kanilang pagseserbisyo. Dagdag pa niya, sakop daw ito ng national government. Dati ay may post master na naka-talaga doon ngunit ngayon ay wala na. Nagtipid ng tao kaya palpak ang serbisyo. Bagkus na bumilis ay lalong bumagal. Nagtaas ng presyo pero wala namang nagbago. Tumpak! Mataas ang singil nila pero wala namang ipinagbago sa papel at hindi pa laminated di tulad noon na P305 lang ay laminated na. Grabe!