Search Bar

Showing posts with label Poems. Show all posts
Showing posts with label Poems. Show all posts

Saturday, May 1, 2010

Oras Lamang Ang Puhunan


Ang panahon hindi natin saklaw
kung ano ang darating kinabukasan,
dahil tanging Diyos lang ang nakakaalam
ng lahat ng bagay na sa ati'y laan

Maaaring buhay nati'y pitong araw lang
kung ano'ng dahilan hindi natin alam
kaya itong oras natin ating pahalagahan
na huwag masayang kahit sandali lang.

Sa oras na kaloob lahat ay inilaan
talino at lakas na ating kailangan
ang sipag at tiyaga ay kasama diyan
sa lahat ng gawaing kailangan gampanan

Kung espiritwal ang pag-uusapan
pananamplataya ang siyang batayan
at pagsunod sa utos ay ating kabutihan
para tao ay may kaligtasan

Lahat ng ito ay ating kailangan
sa lahat ng oras na laan sa atin
ang oras ng pagtulong ay ating gampanan
sapagkat oras lang ang ating puhunan.

Jun Sabatin
26 Sept, 1999

Saturday, August 1, 2009

"Pag Kadilimay Dumating"

Gumawa ka ng kabutihan
Habang may panahon pa
kapag kadilima’y dumating na
ang lahat ay wala ng halaga

bawat sinag ng araw sa umaga
ay simbolo ng malaking pag-asa
kapayapaan at walang hanggang ligaya
sa kabilang buhay iyong matatamasa

kahit na isang sinagtala
maituturing ding mahalaga
ito’y isang pagpapatunay
na ang tao’y may panahon pa

kung kadilima’y nandiyan na
tulad sa isang kamatayan
at liwanag ay maglaho na
huli na ang lahat para magsimula

kaya’t tumulong ka.. magmahal ka
magserbisyo hangga’t kaya
bago man lang mangyari
na ang lahat ay mawalan ng halaga


JUN SABATIN

Mangarap Ka

Ano man ang kalagayan mo ngayon
Mangmang ka man o marunong
Ang mangarap ay hindi masama
Lalu na’t ito’y buong pusong ginagawa

Ang makatapos ng pag-aaral
Ito’y isang munting pangarap lamang
Kailangan mo’y tiyaga’t pagsisikap
Kung nais mong makaahon sa hirap

Ang makakain ng tatlong beses isang araw
Maituturing na mababaw na kaligayahan
Subali’t ito’y simpleng pangarap lamang
Na siyang hangad ng kahit sinuman

Isang maayos na hanapbuhay
Saligan ng isang mabuting pamumuhay
At isang masayang pamilya
Na ibinubuklod ng iisang pananampalataya

Mangarap kang araw ay abutin
Kung buwan lang iyong mararating
Ituring mong ito’y mabuti na rin
Sapagkat bibihira ang may nararating

Ngunit kong mangangarap ka na rin lang
Kaligtasan sa langit na ang iyong unahin
Dahil lahat ng pangako ng Diyos
Buong-buo mong kakamtin.


JUN SABATIN

Tula Ng Isang Makasalanan

PATAWARIN MO AKO

Paggising sa umaga’y hindi nagdadasal,
Magpasalamat man lang sa Poong maykapal,
Kahit sa gabi’y nakakalimutan,
Dahil sa sobrang pagod na walang dahilan.

Kahit pagbabasa ng Banal na Kasulatan,
Na halos minsan ay hindi maunawaan,
Banal na Espiritu’y hindi makamtan,
Dahilan ito ng isang kasalanan.

Pagsisimba tuwing Linggo’y hindi nasusunod,
Dahil yaring isip ay laging naaanod,
Ng maling hangarin sa gitna ng laot,
At pakiwari ay unti-unting lumulubog.

Minsan ay mabuti at minsan’y masama,
Kung iisipin ay laging nasa gitna,
Na siyang kahinaang hindi maikakaila,
At isang balakid sa pananampalataya.

Ngunit ng matisod dahil nakalimot,
Na siyang simula ng kaunting takot,
Sinag niyaong araw ang siyang nag-udyok,
Sa puso’t isip ay agad lumuhod

Jun Sabatin