Malamang alam nyo na ang negosyong ito at kalat na sa paligid. Halos dinadaig na nila ang mga traditional na computer shop sa panahong ito. Walang pinipili ang negosyong ito at lahat kahit bata puwedeng gumamit sa halagang papiso-piso lang.
Ngunit hindi ba kayo nagtataka kung bakit madalas nawawala ang mga anak ninyo at nawiwili sa labas? Hindi ba kayo nagtataka kung bakit ultimong mga menor de edad ay abala? Abala sa pangungupit para lang makapaglaro sa Piso Net.
Sa Piso Net, yung iba walang monitoring system gaya ng kung anong mga website ang tinitingnan ng mga bata kaya baka minsan nakakakita na sila ng mga malalaswang bagay na hindi pa sapat sa mga menor de edad. Ang ilang operators hindi na naiisip kung paano sila makatulong sa mga magulang na madisiplina ang mga bata, magkaroon ng tamang edukasyon ang mga bata sa wastong paggamit ng computer at kung kelan gumamit ng computer.
Sa ordinaryong computer shop, hindi basta-basta nakakapasok ang mga bata dahil may mga ilang gumagamit na ayaw ang maingay at magulo. Walang piso-piso at P15 pesos ang renta kada oras kaya bihira sa mga bata ang meron ganitong halaga. Saka nag-aalangan ang mga paslit na pumasok dahil may mga edad na ang mga pumapasok. Karaniwan, ang mga pumapasok ay mga estudyante (hindi naka-uniporme), empleyado at mga may edad halos. Ika nga may pamantayan ang ilang mga computer shop pagdating sa mga customer nila lalo na sa mga estudyanteng naka-uniporme. Kinu-kontrol nila ang paggamit ng mga customer lalo na yung mga nakikipag-chat at pati yung nanood ng malalaswang video at mga larawan.
Kung tamang edukasyon ang kailangan, dapat maging responsable rin ang mga may-ari ng computeran ng sa ganon ay makatulong naman sa paghubog sa mga kabataan na pahalagahan ang edukasyon. Gabayan ang mga bata sa tamang asal at kaugaliang likas sa ating mga Pilipino. Hindi tama na kumita at walang paki-alam sa kung ano ang gawin ng mga bata kapag nagre-renta sila ng computer. Dapat din isa-isip na may mga anak din silang mga bata pa na tulad ng ibang magulang ay nag-aaalala rin sa magiging kinabukasan ng mga bata.
Isa sa mga maling epekto nito ay ang madalas na pagliban ng mga bata sa paaralan dahil nasa computer shop o Piso Net sila at naglalaro hanggang sa maubos ang kanilang pera. Madalas humihingi ng mas malaking baon hindi para pambili ng pagkain kundi panlaro. Yung iba nakikipag-sugal para lang manalo at magkaroon ng panlaro. At matindi pa niyan, dahil sa mga kalaswaan na nakikita sa internet, yung iba nawiwili, inaalam ang mga bagay na hindi pa nararapat sa nakila. Halos wala ng time na mag-aral kundi ang maging adik na sa mga laro sa computer. At nahahawa pa nila ang ilang mga batang madalas kasa-kasama nila. At marami pang masamang epekto ang maling pagtatayo ng Piso Net.
Marahil panawagan na rin ito sa mga may computer shop o internetan hindi lang sa mga may Piso Net. Mahalaga pa rin ang wastong paraan ng pagne-negosyo. Hindi yung kita lang ang habol ngunit sa katotohanan parang kinokonsente na rin nila mga maling ginagawa ng mga bata tulad ng pangungupit at hindi wastong paglustay ng pera sa mga walang kuwentang laro at kung ano-ano pa.
1 comment:
Data encoder - Apply for online work
You can earn while enjoying time with your family and love ones.
for more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/
to get started., Email me at besbremisana@yahoo.com
Post a Comment