Search Bar

Monday, April 1, 2013

74th Birthday

Birthday pala ng aking tiyahin kahapon ng hindi ipinaalam sa amin bago kami umalis patunong Gen. Trias Cavite. Nalaman ko na lang ng umuwi kami ng gabi. 

Sadyang kay hirap tagpi-tagpiin ang mga kuwento at ala-ala sa likod ng kanyang buhay noong panahon ng mga hapon kapiling ang kaniyang pamilya hanggang sa kasalukuyan. Sa amin, nai-kuwento niya ang ilang bahagi ng kaniyang buhay ngayon na matanda na siya.

Dolores Lagulao Pizarro

Isinilang noong April 31, 1939, siya ang bunso sa apat na magkakapatid. Nabiyayaan ng walong anak na binubuo ng limang lalaki at tatlong babae sa piling ng kaniyang kabiyak na si Aquilino Ago - pamangkin ng isang guerilla na si Pastor Ago.

Hanggang ngayon, hindi niya nilisan ang lugar na kaniyang kinamulatan upang hanapin ang kaniyang kapalaran di-tulad ng aking ina. Tiniis niya ang hirap ng buhay nila sa Los Arcos - isang barangay na sakop ng Prosperidad (Prosperity). Mais ang nagsisilbing bigas doon ngunit hindi na gaano ngayon. Umaasa lamang ng isdang inaangkat mula sa Surigao o sa bayan. Karaniwan, saging, iilang klase ng prutas at kamoteng kahoy lamang ang kinakain doon sapagkat niyog at mga kahoy ang pangunahing produkto roon kaya umaasa lamang ang mga trabahante doon ng logging operation para kumita ng tama.

Malakas ang kaniyang memorya dahil kanya pang naaalala ang mga nagdaan tulad na lamang ng mga taon, lugar, mga taong nakasalamuha niya, at nakakatakot na bahagi ng kanilang buhay noong panahon ng hapon. Kahit sa kabila ng kaniyang edad, nagagawa pa rin niyang bumiyahe mula Mindanao patungong Manila upang dalawin ang ilan sa kaniyang mga anak na nakipagsapalaran dito sa Maynila. Malakas (sanay sa trabaho) at masayahin siya. Kahit medyo mahina na ang pandinig, nagagawa pa rin niyang makipag-kuwentuhan sa amin.

Ang kaniyang Ama
     Ilan sa mga ala-alang ibinahagi niya sa amin ang tungkol sa kanilang yumaong ama. Bilin ng kanilang ama na huwag silang maghiwalay na magkakapatid at magtulungan sila habambuhay. Aniya, 1940 ng nanirahan sila sa Los Arcos - isang lugar ng mga manobo. Doon, itinatag nila ang lugar ng Los Arcos katulong ang ilang kamag-anak at mga kaibigan. itinayo ang kauna-unahang simbahan katoliko sa barrio. Ang kauna-unahang eskwelahang elementarya. Naging teniete del barrio (barangay kapitan) at nakilala sa ngalang "Bandi" mula sa tunay na pangalang Bernardino Pizarro.

     Aniya, isang guerilla ang kaniyang ama. Dahil dito naranasan nilang lumikas upang magtago at hindi mahuli ng mga hapon sapagkat pinapatay ang mga guerilla noong araw.

     Marunong makisama ang kaniyang ama kung kaya't marami ang mga taong lubos na nakakilala sa kaniya. Maging ang dating mayor ng Butuan City na si Zacarias Pizarro na kinilala siyang isang kamag-anak (sapagkat ilocano rin ang kaniyang ninuno) ay nagtungo sa Los Arcos upang dalawin siya. Nabanggit din niya ang pangalan Ochoa at Calo na nakipagkilala sa kaniyang ama. Maging si Judge Severo Malvar ay naging matalik na kaibigan ng kaniyang ama na aniya, ay nag-alok ng lupa sa kaniya sa Butuan City at Maynila.

Ang kaniyang mga Kapatid
     Masaya siya dahil ang panganay nilang kapatid na babae ay nasa 82 taong gulang na, ang aking ina ay 80 taong gulang na at ang nag-iisang lalaki nilang kapatid ay 77 taong gulang na.

Sa Butuan City
     Aniya, nakapag-aral siya sa Urios College ngunit hindi nakapagtapos. Isang taon silang nanirahan sa Butuan City. Noon, iisa pa lang ang Agusan del Norte at del Sur. Nakitira sila ng kaniyang kapatid na si Teodoro Pizarro sa tahanan ni Zacarias Pizarro Sr. Di-nagtagal, umuwi sila ng Agusan at doon na lang nagpatuloy ng kanilang pag-aaral upang hindi malayo sa kanilang mga magulang.

Ang Kaniyang Pamilya
     Aniya, ilan sa kaniyang mga anak ang nakapag-tapos ng college ngunit hindi pinalag na magkaroon ng magandang buhay na tulad ng iba. Ang ilan ay nasa probinsiya na nagtitiyaga sa hirap ng buhay at ang ilan ay nakipag-sapalan sa Maynila upang makaranas ng kaginhawaan. Aniya, hindi naging mapalad ang kanilang buhay at kabi-kabila ang probema. 

    Aniya, kailangan pa rin niyang kumilos para makakain sila ng tama doon sa probinsiya. Pagtatanim ng mais, niyog at mga kahoy ang tanging ikinabubuhay nila sa natitirang lupang minana niya sa kanilang ama. Halos maubos na rin ang kanilang lupa sa kabi-benta at ang iba ay kasalukuyang nakasanla.

Habang kumakain at iniinom ang isang basong Red Horse beer na may halong RC cola, naiiyak siyang sinasabing nagpapasalamat siya at binigyan pa siya ng mahabang buhay at nakakapiling pa niya ang kaniyang mga kapatid at kamag-anak. Sa katuwaan, kinanta niya ang awiting "dahil sa iyo nais kong mabuhay" kasabay ng luha ng pighati at kaligayahan. 

At hindi ko alam kung paano ko isusulat ang lahat ng kaniyang kuwento sa buhay na maging siya ay walang panahon para isulat pa ito kung kaya't tanging sa isip na lang niya ito itinatago na batid ko ay mauuwi lamang sa limot sapagkat iilan lang ang nakarinig ng kaniyang talambuhay.


No comments: