Bandang alas-dos ng hapon, patungo kami ng Sto. Domingo, Quezon City para sunduin ang isang kaibigan para mamasyal sa Greenhills Shopping Center. Mula Taguig, dumaan kami sa C5 para iwas traffic sa EDSA. Sa kamalasan, pinara kami ng mga tauhan ng smoke belching unit ng Makati dahil sakop pa ng Makati ang portion ng Buting, Pasig. Kahit malayo pa ay alam na ng mga ito kung sino ang puwede nilang parahin at diskartihan.
Hinuhuli nila ang mga sasakyang maiitim ang usok lalo na kapag diesel engine na mga sasakyan. Tulad namin, ang gamit namin ay Nissan Serena (converted) at galing Subic. Ito yung mga sasakyan na galing ng ibang bansa tulad ng Japan at karamihan ay mga diesel engines. Medyo maganda naman ang design nitong Nissan Serena dahil pampamilya ngunit dahil diesel ay mausok talaga.
Ang nakakainis lang, hindi ko malaman na sa tuwing gagamitin namin ito, hindi maiiwasan na mahuli kami. Hindi ko maisip kung itong pagkakataong ganito ay sinadya o natataon lang na kami ang nakita. Naisip ko tuloy na mainit sa mga ito (Smoke Belching Team) ang mga galing Subic o di kaya ay dahil diesel kaya kami napipiling parahin.
Malayo pa lang, nakabantay ng todo ang mga ito sa mga dumadaang sasakyan. Minsan tatlo hanggang apat katao ang nag-aabang. Kapag hindi mo hinintuan ang una, paparaharin ka ng ikalawa o ng ikatlong tao hanggang sa mapilitan kang tumabi ng hindi mo alam ang violation mo. Sasabihin na lang nila na ramdon test daw o smoke test operation daw. Pero sa dami ng mga sasakyan, napapansin ko na pili lang talaga ang ginagawa nila at alam nila kung sino ang mga taong handang maglagay para makaalis at hindi na maabala.
Ipaaalam sa iyo ang magiging kalalabasan kung sakaling hindi pumasa sa smoke test ang sasakyan mo. Gaya ng sinabi sa akin, kukunin nila ang lisensiya ko at maging ang plate number ng sasakyan. Siyempre, kapag ganito na ang sinasabi ibig sabihin mamimili ka kung dadaanin na lang ba sa lagay o itutuloy nila ang smoke test. Kami naman, dahil sa malayo pa ang lakad at ayaw naming maabala, inisip namin na lagyan na lang ang kausap namin dahil ganun na rin ang tinutumbok niya. Isang libong piso daw ang tubos kung sakaling hindi makapasa. Walang choice kundi maglagay na lang para sana maka-alis na kami.
Mayabang pang magsalita ang kausap ko na parang isang opisyales ang dating. Ipinakita niya sa akin kung paano ginagawa nang siya mismo ang umapak sa selenyador ng sasakyan. Siyempre kung sunod-sunurin mo ng apak ang selensiyador ay talagang bubuga ito ng maitim na usok lalo pa kung nakatodo-apak sa selenyador na siya niyang ginawa.
Hindi ko malaman kung sadyang mayayabang ang mga ito dahil wala naman talagang magagawa kung kursunada ka nilang perahan. At sa lahat ng siyudad dito sa atin, tanging ang Makati lang yata ang may ganito kahigpit na sistema sa smoke belching pero ang totoo, ilan sa mga tauhan nila ay namimira lang at hataw silang manghuli dahil kung marami silang mahuhuli mas malaki ang kanilang magiging komisyon. Kaya minsan, naisip ko bakit pinahihintulutan pa ang mga diesel engine dito sa atin kung lagi naman nilang huhulihin dahil sa usok.
Walang man lang silang konsiderasyon sa unang offense na sana ay warning muna, pagkatapos kung mahuhuling muli ay talagang tutuluyan na nila. Mabuti na lang at kasama namin ang mother ko na isang senior citizen kaya ng makita nila ay pina-alis na lang kami na may babala sa susunod na mahuhuli pa kami ay hindi na kami palalagpasin.
No comments:
Post a Comment