Sa airport taxi na nasakyan namin kanina sa Terminal 3, naitanong ko kung bakit bawal sumakay ng taxi sa Departure Area. Sabi niya, "hindi naman bawal sumakay ng taxi sa may Departure Area kasi nasa pasahero naman daw iyon." Dugtong niya, "mas nakakasiguro ang mga pasahero sa mga airport taxi lalo na kung may naiwang mga gamit sapagkat madali itong maibabalik."
Sabagay, tama siya lalo pa't may ibinibigay ang mga dispatcher na "Dispatch Slip" na kopya para sa mga pasahero ng airport tulad ng Terminal 3 at NAIA Terminal. Nakasulat sa nasabing papel ang pangalan ng pasahero, destinasyon at plate number ng Taxi na sinasakyan.
Kumpara sa mga taxi na walang dispatch slip, mas malimit iilan lang sa kanila ang matino na kapag may naiwang gamit ang isang pasahero, tiyak hindi na maisasauli. O kung may binabalak na masama ang isang drayber, tiyak hindi mo alam kung saan ka pupulutin.
Sana lahat ng pumapasadang sasakyan ganito ang sistema maging sa mga jeepneys at tricycle driver para maiwasan na rin ang krimen at ibang kabulastugan ng mga lokong driver. Agad, kapag may reklamo ka, madali mo lang maitatawag sa pamunuan ng organisasyon.
Sa ganitong paraan, mas kampante ang mga pasahero sa lahat ng oras dahil ang kopya ang makapagpapatunay ng ilang kaganapan sa paglulan mo sa isang pampublikong sasakyan.
Sana palawigin nila ang ganitong sistema at gawin ito hindi lang para sa mga taxi kundi maging sa mga jeepneys, tricycle at bus kung saan hindi maiiwasan ang mga sakuna at krimen.
Kaya, kung kayo ay nabigyan ng "Dispatch Slip", wag ninyo agad itatapon ito hangga't wala pa hindi kayong sigurado sa mga gamit ninyo na sakay sa taxi.
Sa naka-isip nito, salamat at kahit paano nakakatulong ito.
No comments:
Post a Comment