Ito ang karaniwang problema ng mga naghahangad mag-abroad. Ito ang bukambibig ng mga ahensiya na nagpapa-alis patunong ibang bansa. Ito rin ang isang dahilan kung bakit may mga taong hindi pa nakakaalis ay naghihirap na pagkatapos maloko ng agency na kanilang inaplayan.
Marami sa ating mga kababayan ang naloloko dahil sa kakulangan ng kaalaman pagdating sa tamang proseso ng pag-aaply ng trabaho papuntang Middle East, Taiwan, Hongkong at iba pa. Ang iba naman, sa hangad na maka-alis kaagad ay kumakagat sa mga istilo ng mga manloloko na mukha namang hindi kahina-hinala - magaling magsalita at matamis ang dila. Sa una pa lang ipinaaalam na agad nila kung ano ang mga dapat bayaran kung ang isang tao ay mag-aaply patungo ng ibang bansa.
Sa ngayon, hindi pa rin nadadala ang iba. Hindi pa rin nag-iingat dahil sa hangaring maka-alis na hindi sinisiguro kung legal ba ang mga papeles nitong ahensiyang kanilang inaplayan. Hindi inaalam kung peke ba o hindi. Samantalang, ngayon available naman sa internet and website ng POEA para sa kaalaman ng mga tao.
Ayon sa website ng POEA, isa na namang recruitment agency ang tinanggalan nila ng lisensiya dahil umano sa paghingi ng placement fee. Anong ibig sabihin nito? Samakatuwid, bawal na pala ang humingi ng placement fee ang isang recruiter? Kanino? Sa lahat ba o sa isang klase ng indibidwal lamang ?
Tinanggalan nila ng lisensiya ang isang agency dahilan sa paglabag sa placement fee policy. Una, hiningian nila ng P20,000 ang nag-aaply na katulong patungong Hongkong. Ikalawa, kinailangan daw mangutang ang aplikante ng halagang P60,000 sa isang lending bilang karagdagan sa hiningi nilang placement fee kung saan hindi niya diretsahang natanggap ang pera sapagkat sa mismong agency na ito naka-address.
Ang usaping ito ay napapaloob sa tinatawag nilang Governing Board Resolution No. 6, Series of 2006 kung saan bawal daw ang humingi ng placement fee sa isang household worker. E paano yung ibang worker?
Sabagay, salamat ay meron na nito dahil kamakailan lamang, meron isang kapit-bahay kaming nagta-trabaho sa isang agency na nagpapag-alis ng mga DH patungong Taiwan kung saan humihingi sila ng placement fee na P120,000 at may nabanggit pa siyang lending na puwede makahiram ng pera kung sakaling kapos ka sa pang placement. At sabi pa niya, baka may kakilala daw kami, i-refer lang namin sa kanila. Ngunit ng mabasa ko ang ganitong kaso, batid kong hindi mabuti ang kanilang hangarin.
Sanay magsilbi itong babala at karagadang inpormasyon sa mga naghahangad maging DH. Alamin muna kung ito ba ay may legal na lisensiyang mag-operate at walang kasong panloloko. Nariyan, ang website ng POEA para sa kaalaman ng iba lalo na yung mga galing probinsiya. At alamin din muna kung valid pa ba ang lisensiya ng inyong mga inaaplayang agency upang hindi maloko.
No comments:
Post a Comment