Magandang sabihing oo at maaari namang hindi. Sa totoo lang, hindi naman lahat ng tao ay masaya dahil hindi naman lahat ay maganda ang buhay. Pero kung simple lang ang gusto mo maaari ka na ring maging masaya sa pasko.
Yung iba, masaya sila dahil marami silang handa at marami ring bisita. Yung iba ay masaya dahil kumpleto ang pamilya nila. Yung iba, masaya lalo na kung kasama nila ang kanilang irog. Ngunit paano naman yung walang-wala sa buhay?
Nakakalungkot isipin na sa kabila ng lahat, lalo na sa mga naapektuhan ng bagyong Sendong, hindi ko naramdaman ang saya ng pasko. Paano ka ba naman magsasaya kung marami ang nalulungkot na mga kababayan nating nawalan ng mga mahal sa buhay, tirahan at mga kagamitan.
Kagabi, napansin ko na parang malungkot ang pasko dahil siguro sa nakibagay ang lahat sa mga biktima ng bagyong Sendong. Salamat kung ganun. Kahit paano, marami ang nakakaintindi. Marami ang nakakaunawa. Maaatim mo bang magsaya kung sa paligid mo marami ang nagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay at mahalagang mga gamit na maaaring makatulong sa kanila na makapagsimulang muli.
Hindi natin masasabi kung kelan tayo magiging tulad nila kahit pa man sabihin nating iba tayo sa kanila. Hindi natin saklaw ang takbong ng panahon at kung kailan tayo dadanas ng mabibigat na pagsubok.
Ang kasiyahan ay nakakamtan kapag nakikita mong masaya rin ang iba. Sa pagkain, nabubusog ka na rin kapag alam mong busog sila. Ibig sabihin, ang kasiyahan ay maaari ring magmula sa iba ganun din ang kalungkutan.
Nawa'y patuloy pa nating makayanan ang bawat bahagi ng pagsubok sa ating buhay gaano man ito kaliit o kalaki. Magpasalamat tayo dahil kahit paano patuloy tayong nabubuhay sa mundo.
No comments:
Post a Comment