Ano ba naman ang silbi ng website kuno na halos nasayang lang ang ilang araw o mga oras na para lang makagawa ng account?
Kahapon, pumunta ang kapit-bahay namin na may paupahan para makisuyo na makapag-submit ng kanilang annual income tax payment gamit ang portal site ng Bureau of Internal Revenue. Hindi kasi nila ma-edit sa sarili nilang computer sa hindi malamang kadahilanan. Galing na raw sila sa BIR Global City (Fort Bonifacio) Branch noong isang araw at sabi sa kanila nasa website na raw ang application at submission ng mga aplikante at yung magbabayad ng kanilang mga buwis. Pero hindi sila tinuruan kung paano. Siyempre sa dami nga naman ng tao, hindi na rin nila nagawang magtanong dahil giit ng empleyado dun, nasa website na lahat. Saka, maraming tao doon na halos ganun din daw ang problema kaya nahiya na silang magtanong dahil mga suplada raw ang ilang empleyado parang ayaw ng mag-entertain.
Samakatuwid, umuwi sila para nga mag-online. Nag-fill up sila gamit ang offline form para mai-save at ma-print. Ngunit may mga space na hindi ma-edit kaya pina-print na lang nila kung ano ang nagawa nila. Tapos, bumalik sila para ibigay ang nagawa nila ngunit hindi tinanggap dahil online na rin daw ang submission.
Kanina, bumalik na naman dito sa bahay dahil hindi naman siya makapag-sign up sa PC nila. Sabi sa kanila, gumawa muna ng account para mabigyan sila ng "username" at "password" na maaaring baguhin kung makapag-log-in na sila.
Inisip niya na baka may problema ang internet nila at baka sa akin makapasok siya portla site ng eBIR. Ngunit maging dito sa akin ganun din ang hirap talagang makapasok sa website na ibinigay nila. Minsan makapasok pero matagal. Tapos ilang minuto ay "service not available". Grabe!!! Sa sign-up pa lang tatlong oras ang inabot niya dahil sa error samantalang ayos naman ang ibang website na gaya ng youtube at iba pa. At ang matinding problema, may error din tuwing i-click na ang "Proceed". Ang tagal bago ma-analyze ang data sabay may error na naman na kailangan baguhin. Halos ang dami na naming napag-usapan ngunit sa sign-up pa lang pagod na siya. Ano bang klaseng website yan?
Paano kung hindi talaga makapasok at ang tanging paraan ay manual fill-up at submission? Sana naman may consideration ang mga taga-BIR. Hindi dahil may website na ay maganda na ang kanilang sistema. Paano kung down ang website nila? O yung iba ay walang sariling PC o kung meron man ay hindi alam ang gagawin?
Hindi yata naiisip ng pamunuan ng BIR kung talagang nakakatulong ang kanilang website at kailangan umasa talaga sa website nila. Siguro hindi maganda ang humahawak ng site nila (Host) o kaya naman sobrang dami ng gumagamit kaya ang hirap makapasok sa site nila. Grabe namang traffic yan sa site nila???
Sana naman, bago sila tuluyang umasa sa website nilang bulok review muna nila kung ano ang performance nito. Dapat may feedback page sila para sa mga users na maibigay ang kanilang komento para mapabuti ang serbisyo nila. Siyempre, kawawa ang kapit-bahay ko dahil sa sobrang abala. Buhay talaga sa Pinas!