Search Bar

Wednesday, December 2, 2009

Karapatang Pantao (Human Rights)

Bilang isang tao, isang mamamayan, paano ko nga ba mapapangalagaan ang aking mga karapatan? Ano ba ang kailangan gawin ng isang tao para ipagtanggol ang kaniyang sarili?

Lahat ba ng bansa ay napapangalagaan ang karapatan ng taong kanyang nasasakupan o ang mamamayan sa madaling salita? Tanong, bakit dito sa bansang Pilipinas marami ang naabuso? Gaya na lamang ng mga walang laban at mahihirap na tao. Ng mga walang alam sa batas at yaong mga mangmang. Sadyang ang mga nasa kapangyarihan at mga kilalang tao lamang, mga maimpluwensiya ang nakikita kong may 100% proteksiyon ng batas. Kapag nasa gobyerno, halos karamihan ay ginagamit ang batas para pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan at kasamaan. Garapalan kumbaga! Parang kay hirap para sa gobyerno ang lutasin ang mga kasong lumalabag sa karapatan pantao. Lalo na kung kilala at kaibigan ng mga pulitiko. Nakakaloko!

Isang halimbawa ang Maguindanao Massacre, nasan na ang hustisya ng mga napatay? Multiple counts ang ipinataw sa may sala. Parang dala pa rin nila ang immunity na tinatawag ng ilang mga pulitiko. Maging sa kulungan? Dapat talaga ibalik ang hatol na kamatayan. Para mabigyan muli ng tamang hustisya ang mga biktima.

Pero, bakit kung ang may sala ay isa lamang ultimo, halos hindi nadidinig ang hinaing lalo na yung mga inosente at napagbintangan lamang. Dito sumasagi sa isip ko ang pangungusap ng Pangulong Magsaysay, na sa aking pag-unawa, "kung sino ang wala, dapat siya yung meron". Siguro, kung sino ang mahirap dapat tinutulungan. Kung sino ang inaaapi, dapat siyang pinagtatanggol. Sana, nabuhay na lang ako sa panahon ni Pangulong Magsaysay, para naramdaman ko kung gaano katotoo ang mga kuwento tungkol sa kaniyang kabutihan. Upang makita ko at matunghayan ang mga pangyayari sa panahong iyun. Alam kong naging mabuti siyang pangulo ng Pilipinas, dahil sa mga nababasa ko at maganda ang kumento sa kaniya ng mga tao. Maging ang mga magulang ko alam nila ang pagiging mabuting pangulo ni Pangulong Ramon Magsaysay. Hindi niya pinahihintulutang gamitin ang kaniyang pangalan sa maling gawain. May paninindigan at isang salita.

Sayang at nawala na ang tagapagtanggol ng bayan. Meron pa kayang magiging tulad niya? Parang hindi ko ramdam dahil sa dami ng mga naaapi ngayon. Kung sino pa ang nasa gobyerno, siya pa ang abusado. kailan pa kaya magkakaroon ng isang tulad niya, matapang at marunong lumingon sa pinanggalingan.

Paano na kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, na ang mga nasa gobyerno ay bingi, pero sa kalansin ng pera, lalo na kung milyon, lumalakas ang pandinig at pakiramdam.

Sana naman hindi dahil sa pera mauuwi sa wala ang hustisya ng mga biktima - biktima sa lahat ng bagay. Dapat, hindi bingi ang batas at bulag ang namamahala. Ang mga nakasampang kaso hindi inuupuan kundi tinatayuan, at dini-desisyunan upang malutas at mabawasan ang nakabinbing problema sa Karapatang Pantao.

No comments: