Search Bar

Saturday, November 28, 2009

Mga Batang Mag-aaral Ngayon

Hindi ko malaman kung paano ko ihahambing ang uri ng edukasyon ngayon at noon. Ngunit, ang tanging nasa isip ko ay kung paano magsipag-aral ang mga kabataan ngayon.

Dati, kahit na lampara lang ang gamit ay talagang puspusan ang pagsisikap ng mga bata na mag-aral at matuto. Hindi alintana kung anong oras na sapagkat hindi pa rin naman gaanong ginagamit ang orasan noon. Tanging ang sinag ng araw o ang liwanag ng buwan lamang ang laging batayan ng orasan.

Sa pagyaon ng panahon, unti-unti ng umunlad ang bayan at nagkaroon na ng malaking pagbabago sa kabihasnan. Siyempre isa na rito ang pagbabago sa pag-uugali ng isang tao. Unti-unti na rin nabubura sa isip ng tao ang wastong kaugalian at pamantayan sa buhay. Hindi na rin nagiging mabuti ang pagpapalaki ng ilan sa kanilang mga anak kung kaya't ilan sa mga kabataan ay hindi na taglay ang mga ugaling natutunan natin sa ating mga magulang.

Ngayon, halos kumpleto na sa lahat ng imbensiyon at lahat halos high tech na pero meron pa rin mga bata na tamad mag-aral. Kaya mangmang. Maging ang ABCD ay hindi pa mabasa ng maayos. Pati pag-unawa sa mga salita ay hirap pa rin. Ano na kaya ang mangyayari?

Edukasyon lamang ang makapagwawasto ng lahat. Lakip na rito ang patnubay ng mga magulang na dapat ay laging ginagabayan ang kani-kanilang mga anak sa bawat araw. Hindi naman sa bawat oras dahil alam naman natin na sa ngayon, mahirap na ang buhay kaya't kailangan na ang mga magulang ay nagtatrabaho na. Masyado ng mahal ang mga bilihin kaya kailangan na dalawa na ang kumakayod. Mas marami na rin ang luho ng bawat tao kaya mas kailangang kumita.

Ang sakripisyo. Ang matindi, pati ang pag-aaral ng mga kabataan ngayon ay masyado na ring magastos. Sa bawat araw may mga bayarin at ilang mga proyekto na kailangan ay bilhin at gawin. Uniporme, sapatos, at mga gamit sa pag-aaral ay ilan lamang sa kailangang tugunan ng mga magulang. Halos, lahat ng pagtitipid ay ginagawa ng ilan upang maipagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Halos magtiis at magkanda-utang utang para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata.

Kaso ang masaklap, sadyang may mga kabataang walang pagpapahalaga sa edukasyon, binabaliwala lang. Ayaw magsikap upang makatapos ng pag-aaral. Hindi mo kakikitaan ng interes sa pagbabasa at hasain ang kanilang mga talino at kakayahan. Maging sa paggawa ng mga proyekto nila sa paaralan, bagkus na sila mismo ang gagawa, mga magulang naman ang pinagagawa. Anong klaseng estudyante yan! Ito namang mga guro hindi naman nila nililiwanag kung paano gagawin ng mga estudyante ang kanilang mga proyekto!

Sadya nga yatang may mga guro din na pabaya sa kanilang pagtuturo. Basta ang mahalaga sumasahod sila. Walang inisyatibo. Walang pakialam. Dahil dito marami din mga mag-aaral na nakatapos na mangmang pa rin.

No comments: