Search Bar

Sunday, May 29, 2011

Push-up

Araw ng Sabado(umaga), Medyo busy ako sa ng time na ito sa harap ng aking computer. Napansin ni misis ang isang batang ito na nagpu-push-up sa tapat ng bahay at sinabi niya sa akin. Kaya dumungaw ako upang tingnan kung ano ang nangyayari. Kung mapapansin nyo, naka-upo ang isang binata na may hawak na bibliya.

Marami sila. Ilan sa kanila ay binubuo ng mga binatilyo na kasama ng binatang ito. Pawang naka-army cut at naka-disenteng damit ang bawat isa sa kanila na kung ihahambing ay tila mga bagong junior police. Marahil ay miyembro sila ng isang simbahan na lumabas upang magbahagi ng salita ng Diyos.




Ngunit ang ipinagtataka ko ay kung bakit pinaparusahan ang isang ito. Ano kaya ang kanyang kasalanan? Meron pang eksena dito na hindi ko nakuha dahil sa mga dumadaan kung saan pinauntog pa ng binata ang ulo ng binatilyo sa pader bago niya pina-upo at pinagsabihan. Tumagal din ang parusa ng mahigit kalahating oras. 

Meron ba talagang ganitong klaseng relihiyon o hindi lang ako sanay na makakita ng ganitong klaseng parusa?

Gayunpaman, mahirap maghusga pero sana nga nasa mabuting kamay ang mga batang ito na kabilang sa kanilang simbahan.



Nakakulong pero Nakakalabas?

Nakakapanlumo isipin na may VIP treatment pala kapag ang nakakulong ay isang dating opisyal o opisyal na nahalal bago makulong. Samantala, ang mga nabansagang kriminal ay naroroon lamang liban kung meron misyon na pinagagawa sa kanila, saka lang sila nakakapamasyal.

Ito ang napansin kong issue tungkol kay dating Batangas governor Tony Leviste. Pasyal ba ang tawag dun? Dumalaw lang siguro sa kanyang opisina yung tao. Kahit ano pa man ang tawag dun, hindi alibi yun dahil para na ring ipinakita sa madla na napakaluwag ng ating batas kaya marami ang nagsasamantala at mga mapagsamantala. Dapat lang talagang tanggalin ang mga taong responsible sa naturang issue. Wala ng anupamang imbestigasyon, bakit kailangan pa eh kita naman ang tunay na ebidensya. Kalokohan yung sabihin na hindi nila alam. o kailangang magpagamot. 

Kaya ilang mga preso ay nagmamaktol kung bakit meron ilan na may vip treatment. Sana maging tuwid ang pagpapatupad ng batas dito sa atin.

Saturday, May 28, 2011

Overpopulation Daw Sanhi ng Pagbaha

Nagulat naman ako sa dahilan ng DENR Mines and Geosciences Bureau (MGB) na si Leo Nazareno na ang sanhi daw ng pagbaha ay ang overpopulation. Ano naman ang kaugnayan ng overpopulation sa pagbaha? Malamang may hang-over pa sila ng RH Bill. 

Parang gusto kong matawa sa walang kwentang dahilan na ito. Natural umulan kaya (may bagyo e) bumaha. Alam natin na basura ang dahilan kung kaya nagbabara ang mga kanal at iba pang daluyan ng tubig na siyang dahilan ng pagbaha at hindi overpopulation. So, ano ang gustong niyang mangyari? Magbawas ng tao, Paano? Tsk! Tsk! Bagkus na magsalita sya nito, dapat ay pagtuunan niyang maigi ang tunay na dahilan.

Matagal ng problema ang pagbaha noon pa man. Sadyang hindi lang seryoso ang ahensiya sa paglutas ng problema. Kaya parang hawig ito sa kanta na "Tuwing umuulan ay kapiling ka". Dapat lagi nilang minu-monitor ang lahat ng daluyan ng tubig sa ating bansa umaraw man o umulan. Constant monitoring ang kailangan at coordination sa mga local municipalities o ciudad.

Nariyan naman siguro ang plano tungkol sa mga drainage system ng ating bansa. Dapat tingnan nila at i-monitor ang mga panibagong proyekto kung saan kailangan ang coordination sa drainage plan. Huwag nilang hayaan na masunod ang sariling plano na hindi naaayon sa plano ng pangkalahatang drainage system. 

Friday, May 27, 2011

Tuba (Coconut Wine)

source: Facebook
Naalala ko tuloy ang bayaw ko sa probinsiya. Sa Visayas at Mindanao, ito ang isang uri ng pinakakakitaan ng ilang mga kalalakihan bukod sa pangingisda at pagsasaka. Bahagi na ito ng buhay sa probinsiya. 

Bata at matanda marunong nito lalo na yung mga talagang laki sa bukid. Ang mga batang 12 pataas ay nag-aaral ng umakyat ng niyog at ginagaya lamang kung ano ang nakikita nila sa kanilang ama. Kaya naman sa murang edad marunong na rin silang uminom ng Tuba.

Ang Tuba(kung tawagin ay Lambanog) ay masarap at manamis-tamis kung bagong kuha pa. Pagkaraan ng ilang araw, nagiging maasim na ito lalo na kapag nabibilad na sa araw. Sa katagalan, ginagawa na rin itong suka at masarap na sangkap sa paksiw. Ang ilang naman ay iniinom pa rin ito(Bahalina ang tawag) na hinahaluan lamang ng Coke o Coca-cola para mabawasan ang asim at sa ganitong paraan maari na rin makalasing.

Ang nakakatawang bahagi ng ganitong gawain o maliit na hanap-buhay ay yung aakyat na hindi pa lasing si tatang o si kuya. Siyempre, sa taas ng niyog, nakaka-upo yan sila sa mala-sangang dahon ng niyog. Natural, naroon yung titikman nila ang katas ng bulaklak ng niyog (tuba). Kapag ang bulaklak ng niyog ay ginagawa ng tubaan ay hindi na maaaring maging bunga na tinatawag nating buko o niyog. Sa madaling salita, hindi na gaano nakakapamunga ang ganitong kaniyugan kung ginagamit na ito sa pagkuha ng tuba. Kahit medyo matamis ay maaari na rin itong makalasing dahil sa taglay nitong alcohol. Pagbaba, medyo may tama na si tatang (medyo lasing), pero matitindi na ang mga iyan (tulad ng nasa picture) dahil sa sanay na sila.

Mahirap ang ganitong uri ng hanap-buhay dahil delikado lalo na ang mga sobrang matataas na kaniyugan. Maaari silang malaglag lalo na sa mga hindi pa sanay. Suwerte kung pilay lang ang abutin kung sila'y malaglag pero siguradong patay pag nagkataon.

Thursday, May 26, 2011

Simpleng Bahay : Paupahan Na!

Camera use: Canon A40
 Gamit ang aking mumurahing kamera na Canon A4Shot, kinunan ko ang bahay na ito. Alam nyo ba na ang may-ari nito ay kumukita dito? Oo! Pina-uupahan niya ito sa halagang P2,500. 

Kung mapapansin nyo ang pintuan sa kaliwang bahagi, paupahan niya rin yan. Tapos yung sa kanang banda( isang tindahan) naman ay paupahan niya rin. Ginawa niyang paupahan ang ilang bahagi ng kaniyang malaking bahay. Tama lang para sa isang bagong mag-asawa o sa isang maliit na pamilya. Di ba okay na ito?

Ganyan ang buhay ngayon, hindi kailangan maging mayaman upang magsimula ng isang negosyo. Dito maliit lang ang maintenance at sigurado kang may kita lalo na kung malapit sa mataong lugar. Dapat talagang maging maparaan sa panahon ngayon hindi kailangan maging sosyal. Sosyal ka nga kung wala ka namang kakainin.

Ang mahalaga dito magkaroon ka ng marangal na kita kaysa magnakaw. Sa ating mga pinoy, naroon pa rin sa atin ang pagmamahal sa pamilya kung kaya't ginagawa natin ang mga ganitong paraan para kumita. Hindi na masama kung meron kang ganitong paupahan. Isipin mo kung meron kang 10 nito. Napakainam. Kahit hindi ka na magtrabaho. Pero mainam pa rin kung meron kang trabaho bilang dagdag kita.

Kung ikaw ay nasa abroad isang idea ito bilang investment mo sa manila o probinsiya. Patok pa rin ito dahil dumarami na ang populasyon natin at marami na ang nangangailangan ng murang matitirhan.

Wednesday, May 25, 2011

Usap-usapan: NBI Agents Training

Ayon sa Philstar, base sa panayam kay NBI Director Magtanggol Gatdula, na siyang pangulo ng FBINAA Pacific Chapter, magkakaroon na umano ng trainings para sa mga NBI agents at mga Police. Ito ay upang masugpo ang iba't-ibang krimen sa bansa lalo na ang usapin tungkol sa terrorism. 

Sana nga ay matugunan ang pangangailangan  sa seguridad ng bansa at mga mamamayan.

Ang training (6-day 14th FBINAA Asia Pacific Chapter) ay gaganapin umano sa Sofitel Hotel, Pasay City.

Tampok sa training ang mga sumusunod na bansa:

  • Australia
  • Bangladesh
  • Cambodia
  • China
  • Fiji
  • Germany
  • Hong Kong
  • India 
  • Indonesia
  • Japan
  • Korea
  • Malaysia
  • Maldives
  • Mongolia
  • New Zealand
  • Nepal
  • Philippines
  • Singapore
  • Sri Lanka
  • Taiwan
  • Thailand
  • Timore Leste 
  • At US
Nawa'y pagkatapos ng training, sana maging alerto at maging mapagmasid ang ating mga awtoridad sa ating kapaligiran laban sa kasamaan. Hindi abusado at naglilingkod ng tapat sa bayan. Hindi tiwali at may takot sa Diyos at pagmamahal sa kanilang pamilya. Sana mapabuti lalo ang mga rescue operation.

Tuesday, May 24, 2011

Paano Ba Matulog Ang Patay?

Hehehe! Medyo weird na tanong. Ang kuba pag natulog, sabi nakadapa. Pero ang sagot, nakapikit. Tama nga naman, ang tao at hayop pag natulog siyempre talagang nakapikit. Pero and isda, paano kaya?

Meron bang natutulog na nakadilat? Meron siguro, pero hindi yun tulog ano! Nakadilat eh!

Oo nga patay na eh aalalamin mo pa kung paano matulog. Ang alam ko, pag patay na ang tao tulog na tulog na. Hindi na humihinga. Hindi nakatagilig. Hindi nakadapa. Deretso ang higa at nakapamburol. Naka-make up din at maayos na nakahiga. Kung may alam pa kayo share nyo rin para malaman ko. Kuwento lang to...

Ulan

Umulan na naman ngayon dito sa amin sa Taguig dakong alas 7:30 ng gabi. Malakas ang buhos ng ulan kung kaya umapaw na naman ang mga kanal. May mga naligo sa lakas ng ulan. Ako naman ay nagsahod para pambuhos ng mga halaman. 

Ngayon, alas 8:10 ng gabi medyo mahina na ang ulan. Salamat naman at hindi gaano nagtagal ang ulan. Para bang nakakatakot kapag umuulan. Isang pangambang hindi maiiwasan. Dito sa Pinas, bagyo ang pinaka-matinding pangamba ng tao. Dahil kapag bumabagyo, tiyak matinding pagbaha na naman ang laman ng mga balita. Nariyan kasi ang ma-stranded dahil walang masakyan lalo na yung mga nasa opisina. Siyempre, iwas baha ang mga pampublikong sasakyan. Saka, nagdudulot din ito ng matinding traffic sa halos lahat ng sulok ng kamaynilaan. Bakit nga ba tuwing umuulan, ang lahat ng tao o sasakyan ay para bang nagmamadali? Kumpara kapag tag-init.

Sana maging payapa ang gabing ito para sa ating mga kababayang pinoy. Pero sana maging handa rin ang lahat lalo na kapag may babala ng bagyo.

Sunday, May 22, 2011

Bagyo: Chedeng

Lumabas ako saglit patungong Cebuana Lhuiller upang kumuha ng pera padala. Habang naglalakad, napansin ko ang maiitim na ulam na tanda ng pagbugso ng ulan. Naisip ko na ito na marahil ang simula ng bagyong Chedeng na namataan ng PAGASA. Kaya nagmadali ako. Tamang-tama ang dating ko (4:45pm na) dahil ako ang panghuling customer.

Nang matapos ako (halos 30 minutes), agad akong lumabas at nagmamadaling umuwi. Tamang-tama rin, medyo pumapatak na ang ulan. Sabagay, malapit lang naman ang bahay namin sa Cebuana (yan ang advantage), madali akong nakarating. Medyo nabasa rin ako ng bahagya ng pagbuhos ng ulan.

Sana hindi pa ngayon ang paglakas ng ulan. Sana hindi maging sanhi ang bagyong ito ng anumang sakuna o pagbaha sa mga ilang lugar. Upang kahit paano, maging maayos pa rin ang pamumuhay ngayon o bukas.

Issue sa mga Batang Hamog

Bata pa lamang matinik na! Yan ang isang kinatatakutan ngayon hindi lang sa Makati, kundi sa mga ciudad na walang Police visibility. Nasaan kaya ang mga pulis?

Sumasalakay umano ang mga ito lalo na kung traffic. Mang-aasar. Inuuga ang sasakyan para lumabas ang driver, pagkatapos yung isang kasama na nasa likod ang babanat sa likod ng sasakyan para kunin ang puwedeng pakinabangan. Kaya, mahirap kung babae ang driver. Kahit lalaki pa ang driver, ang payo ng mga pulis ay wag ng tangkain pang lumabas lalo na kung madilim o walang gaanong tao.

Malamang ginagamit na ang mga ito ng mga masasamang loob, siyempre dahil bata pa. Walang namang kasong isasampa sa kanila kundi ang ipadala sila sa DSWD. Marunong na ring lumaban ang mga ito lalo na kung marami sila, gamit ang mga bato. Kawawang mga magulang, hindi nila alam kung saan na ang kanilang mga anak. O marahil, sarili rin nilang magulang ang nagturo sa kanila. Sana hindi!

Kaya sana, paigtingin ng pamahalaan ang kampanya sa edukasyon upang mahimok ang mga batang ito na mag-aral. Magkaroon ng magandang edukasyon. Pero, sa nakikita rin ng mga bata sa ating gobyerno at lipunan, lalo na yung mga kurakot na opisyal, isang dahil ito na maimpluwensiyahan ang mga kabataan na gumawa ng masama.

Saturday, May 21, 2011

Medical Check-up na Napakamahal

Apat sa aming bisita nitong mga ilang araw ay pupunta ng Hawaii. Meron silang petisyon galing sa asawang lalaki na naroon na at matagal na naninirahan doon. Sa petisyon niya, kasama ang asawa at tatlo nilang anak.

Galing sila ng Ilocos Norte (Laoag) at ilang araw ding namalagi dito sa bahay. Hipag ko ang kapatid niya kung gaya hindi na rin sila malayo sa amin. Dito sila pumupunta sa amin sa tuwing may mga lakad silang inaasikaso dito sa Manila.

Tatlong araw din ang ginugol nila sa pagpunta sa accredited na medical center ng US embassy - St. Luke Medical Extension  Center  na di kalayuan sa embahada. Matatagpuan ito sa bandang Ermita. 

Una nilang punta ay nagkaroon sila ng medical check-up. Alas-4 pa lang ng umaga at bumiyahe na sila gamit ang kanilang sariling sasakyan. Kahit na maaga na silang pumunta ay mayroon pa raw mas nauna sa kanila na nakaabang na alas-12 pa lang ng gabi. Nag-hotel na lang daw ang babae sa kagustuhang maka-una sa pila. Gabi na sila naka-uwi pero ok na ang kanilang physical check-up.

Ikalawang araw, bumalik sila upang magpa-injection. Tatlo sa kanila ang nakatapos ng injection sa araw na iyon (Huwebes). Hapon na rin sila naka-uwi dahil sinabayan na rin nila ng pamamasyal.

Ikatlong araw, bumalik na naman sila upang pa-injectionan ang anak na babae. Nag-taxi na lang sila dahil tinamad ang kuya ko na magmaneho. Mahirap daw mag-taxi dahil sa traffic. At, mahirap din daw maghintay ng taxi lalo na kung kasagsagan ng traffic. Nakauwi naman din sila pero medyo pagod daw sila nag-taxi lang sila. (Iba pa rin talaga kung may sarili kang service sa panahon ngayon)

Malaki rin ang ginastos nila sa medical dahil sa mahal ng bayad. Tsk! Tsk! Grabe, isipin mo naman St Luke kaya yun! Ang adult ay nasa $230 at ang bata ay $183 mahigit. Ganun kamahal ang singilan! Isipin nyo, sa apat na tao (1 matanda at 3 bata), magkano ang aabutin. Grabe pala talaga ang higpit ng US Embassy! Halos P8 libo mahigit sa matanda at P7 libo mahigit kada bata ang binayaran nila.

Sabi nila marami daw ang aplikante. Samakatuwid napakalaki ng kinikita ng St. Luke Hospital. E paano kung bumagsak ka sa medical, e di talo? Bayad ka uli ganun ba? Sana hindi ganun. Ang sungit pa daw nung isang doktor dun na naka-assign sa anak niya. Natural wala kang magawa dahil pag tinarayan mo rin ay baka ibagsak ka pa sa medical. 

Friday, May 20, 2011

Paupahan

Kahapon galing kami sa paupahang bahay ng aking kapatid sa San Pedro, Laguna. Umuulan kasi nung nakalipas na ilang araw kaya ang nangungupahan doon ay naki-usap na gawin namin ang alulod dahil upaapaw daw ang tubig ulan. 

Nagpunta ako kasama ang panganay naming kapatid at pamangkin para ayusin ang alulod. Kaya pala umapaw ang tubig dahil sa dami ng kalat sa mismong alulod na siyang sanhi ng pagbara sa daluyan na pvc pipe. Nilinis namin ito at naglagay kami ng screen upang hindi na mabarahan ang alulod o gutter. Kaya pinaki-usapan ko ang tenant namin na wag tapunan ng anumang basura ang gutter upang maiwasan ang problema. Hindi naman daw nila tinatapunan ang alulod, maaaring ang mga kapit-bahay naman.

Ito ang kadalasan problema sa isang paupahan. Maganda ngang negosyo ito pero kung ang nangungupahan ay wala namang pakialam, talagang malaking problema sa may-ari ng bahay ang ganito. Ni hindi nila alam kung paano panatilihin malinis ang kanilang mga alulod at inaasa pa nila ito sa may-ari ng bahay. Paano kung sadyang hindi taga-roon ang nagpapa-upa? Paano kung hindi ka basta-basta makakakuha agad ng gagawa? E, di magtitiis ka na lang hanggang sa tumila ang ulan.

May paupahang mura at meron ding mahal. Ang isa pang mahirap sa nagpapa-upa, mura na nga e babaratin ka pa. Ang mahirap pa, hindi ka basta-basta nakakapag-taas ng upa dahil sa dami ng bakanteng paupahan, baka abutin ng isa o dalawang taon na bakante ang paupahan mo. Kaya, magtitiyaga ka na lang kaysa walang uupa.

At ang nakakatakot, yung minsan, sa sobrang bait pinagbigyan mo na nga ng ilang buwan na hindi nagbabayad ng upa ay lilipat na lang na hindi ka man lang binabayaran.

Wednesday, May 18, 2011

Bakit Ba Kailangang Ipilit Ang RH Bill?

Hindi ibig sabihin na kapag hindi ka sang-ayon sa RH Bill ay hindi mo naiintindihan ang kahalagahan nito. Hindi ibig sabihin na yaong hindi nakakaintindi nito ay pawang mga mahihirap lang at walang edukasyon. Bago sana sila magsalita isipin muna nila kung ano ang pinagsasabi nila. 

Noon pa man, isipin nyo kahit ang isang magsasaka na mahirap lamang ay nagagawa niyang buhayin ang kaniyang sampong anak. Napag-aaral niya ang mga ito. At ang katotohanan, marami sa mga naging maunlad ngayon ay mula sa isang magsasaka pamilya lamang. Grabe naman magsalita ang mga akala mo'y matatalino pero bobo naman!

Ano ba ang meron sa RH Bill na yan at pilit na iginigiit ng ilang mambabatas? Magkano ang kakailanganin para maisagawa ang bagay na yan? Dagdag gastos lang yan bagkus ilaan nila ang gagamiting pondo para sa pagpagawa ng maraming kalsada sa probinsiya upang dayuhin ng mga negosyante. Upang magkaroon ng pagbabago sa mga lugar na hindi pa gaanong develop. Sobrang dami na ng bill, baka naman marami na tayong babayaran niyan? Bakit hindi nyo na isama dyan ang Meralco bill at kung anu-ano pang bills na yan. Sa dami ng batas, iilang lang ang naipapatupad. At hanggang ngayon ganun pa rin ang problema natin. 

Populasyon ba kamo? Idagdag mo pa ang edukasyon, ang kalusugan at iba't ibang problema ng bayan, iilan lang yan sa mga problema pero ang pinakamabigat na problema ng bayan ay ang CORRUPTION na hindi naman pinagtutuunan ng mga mambabatas dahil sa takot na mabuking ang kanilang mga ginagawa. Tabi-tabi lang po! Yan ang dapat na gawan ng iba't ibang batas. Yan ang nagpapahirap sa ating bansa kaya hindi tayo umaasenso, kung kaya marami ang mahirap, kung kaya mababa ang pasahod at kung kaya dumarami ang mga masasama.

Dahil ba may malaking negosyo sa likod ng RH Bill na yan? Sino ba ang makikinabang dyan? Mga mahihirap ba? Habulin ang hindi nagbabayad ng Tax, mga politikong may malalaking negosyo, mga negosyanteng mahilig maglagay para lang mapababa ang kanilang tax. 

Yan ang mahirap sa mga taong sobrang magagaling gumawa ng batas pero hindi naman nila ipinatutupad ng maayos. Yan din ang mahirap sa mga taong akala mo ay naiintindihan lahat ng bagay sa mundo pero wala din naman. 

Kahit na anong gawin kung ang tao sadyang mahilig sa sex talagang ganyan ang mangyayari, dadami ang populasyon at dyan papasok ang iba't ibang epekto o sabi pa nga ng isang komentarista ay "Ripple effect".

Tuesday, May 17, 2011

Edukasyon: Tuition Fee Hike

Ngayon malamit na ang buwan ng Hunyo tiyak na magsisipag-angalan na naman ang mga estudyante at mga magulang dahil may balitang mag-tataas na naman ang matrikula ng mga paaralan. Bakit? Upang maitaas umano ang mga sahod ng mga guro, mapaayos ang mga facility at ibang pang kailangan sa paaralan.

Ngunit, lumang tugtugin na yata ito dahil noon pa man ganyan na ang nagiging dahilan ng mga paaralan. Anuman ang kanilang magiging desisyon hindi na sila mapipigilan dahil ano nga ba ang magagawa ng mga magulang kundi ang paaralin ang kanilang mga anak. Kaya, asahan na lang natin ang pagtaas ay bahagi na ng buhay.

Monday, May 16, 2011

Manloloko

Alas-4 ng madaling araw, hindi ako makatulog dahil sa medyo masakit ang tiyan ko at medyo maalinsangan. Kaya lumabas ako ng kuarto at nagpahangin sa terahe. Ilang sandali pa'y lumabas ang aking asawa dala ang cellphone ko dahil sa isang text na inakala niyang galing sa kaniyang anak. Ang laman ng text, "Mama, si Ken po ito, nakitext lang ako. Nabangga ang sinasakyan namin, pakiloadan na lang po ang number na ito....., 300 smart po yan. Pakibilisan dahil may sugat ako sa ulo huling text ko na ito." Medyo nabala ako baka nga totoo ang nangyari, pero nang basahin ko ang oras ng pag-text, dakong alas-11 ng gabi pasado na ito dumating sa amin. Nag-isip muna ako, baka scam ito.

Hindi mapakali ang asawa ko kaya bumaba ako ng ground floor, binuksan ang computer at nagload ako sa sarili kong cellphone pati na rin ang cellphone ng anak namin. Tinawagan ko ang bata upang komustahin at tiyakin kung totoong nabangga siya. Naka-usap ko siya at nalaman kong safe naman siya dun sa bahay ng pinsan niya kaya hindi na ako nangamba. Scam nga ang text na natanggap namin.

May mga tao talaga na kahit sa load ay naghihikahos na rin (siguro) o sadyang katuwaan lang nila ang panloloko. Ano nga ba kung totoo ang laman nung text at maaaring na wrong send lang? Minsan may ganun pero nangyari na rin yan sa akin noon at hindi ako nagpadalus-dalos ng desisyon. 

Kaya minsan kailangan nating mag-ingat dahil kalat ang manloloko ngayon. Lalo na yung mga instances na palalabasin ka ng bahay para makipagkita, buksan ang pinto at kung anu-ano pang modus para makapanloob. Ingat po sa mga ganitong tao.

Saturday, May 14, 2011

Sino Ang Ama?

Sino nga ba ang tatay? Pamagat pa lang parang nakakatawa na, pero kung may ama, may ina siyempre meron din anak. Pero, parang kontrobersyal naman ito kasi parang bago.

May kuwento pala itong EVAT Law natin. Kailan ba ito ipinanganak at sino ang ama? Ang sagot sa tanong na ito ay nakakatuwa. Ang naturingang ama ng EVAT ay si Senator Ralph Recto. Isa siya sa naging author nito. Ang EVAT law ay naipasa noong May 24, 2005. Samakatuwid, ito ang taon kung kailan ipinanganak ang EVAT.

Ito Pa Isang Pabigat!

Habang nagbabasa ako ng Abante Tonite, natuon ang pansin ko sa issue na 'to. Pabigat talaga pag nagkataon! Pati ba naman pagtakbo ng pulitiko sa darating na mga halalan, sa tax  na naman kukunin! 

Ano ibig nilang sabihin? Bibigyan nila ng pagkakataon ang mga walang pera na magkapera. Kunwari, ipapakita ng bago o lumang kandidato ang kaniyang counterpart, kung magkano ang pera niya ay siyang katumbas na halaga ang matatanggap niya sa gobyerno. Halimbawa, kung P100,000 ay P100,000 pesos din ang makukuha nilang tulong mula sa gobyerno. Para ka palang nanalo dito. Kaya hindi malayong maging isang maunlad business ang pamumulitiko sa ating bansa. May bracket pa kapag ang donor ay mula sa pribadong mamamayan (P1M) at kung kumpanya naman ay P10M. Wow!

Ang panukalang ito ay nakahain umano sa komite na pinamumunuan ni Dasmarinas City Rep. Elpedio Barzaga Jr.

Patterns of Power & Politics in the Philippines: Implications for DevelopmentSana wag na ho! kailangan ho natin sa bansa ay mga tunay na tagapaglingkod sa bayan at hindi isang bagong negosyante. Bagkus mag-isip na lang ng mga paraan kung paano dadami ang trabaho dito sa ating bansa upang hindi na maging alipin ang ating kapwa pinoy sa ibang bansa.

Mga Milyonaryong Pulitiko

Mainit ang panahon ngayon at sing-init ng kayamanan ng mga pulitiko.

Ano ba ang sikreto nila? Limpak limpak na milyones ang pinag-uusapan sa SALN(2010).

Ito ang linya nila:

Manny Villar                      P725,221,969
Ralph Recto                       P418,523,601
Ferdinand Marcos Jr.         P311.5
Ramon Revilla Jr.               P125,753,230
Juan Ponce Enrile               P116,078,554
Jinggoy Estrada                  P93,562,518
Serge Osmena                   P82,300,000
Pia Cayetano                     P76,770,000
Teofisto Guingona III         P73,978,531.37
Edgardo Angara                 P70,097,317
Vicente Sotto III                 P48,969,532
Loren Legarda                    P45,595,565
Juan Miguel Zubiri               P41,203,124
Meriam Defensor-Santiago   P40,305,986
Franklin Drilon                     P33,412,729.83
Panfilo Lacson                     P24,724,469
Gregorio Honasan               P19,354,000
Manuel Lapid                      P18,900,000
Alan Peter Cayetano           P15,948,472
Francis Pangilinan               P12,931,465
Joker Arroyo                      P11,050,000
Francis Escudero                P8,032,411
Antonio Trillanes IV            P3,830,000

Samantala sa kongresista naman ay si Manny Pacquiao ang pinakabilyonaryo.

Magkano na kaya ngayon 2011?

Thursday, May 12, 2011

Puppy

May dalawang nag-uusap tungkol sa aso, pangalan ay puppy. Sabi nung isa, "nanganak na si puppy". Muntik na nga daw mamatay ang isang anak ni puppy dahil pinaliguan, malamang nilagnat. Mabuti naman gumaling dahil pinainom ng Medicol. Ngayon, nagtanong yung isa, "Nanganak na si puppy, sino ang ama?" "Si hatton!", sagot ng isa.

Naisip ko baka hindi si hatton, marami rin kasi na-link kay pacquiao. Pati ba naman aso!

Bagong Dating

source: gmanews.tv
Parang ang sarap ng pakiramdam sa isang taong galing abroad, parang maraming pera at maraming dala o pasalubong. Siyempre laging may bagong kuwento sa buhay. 

May sinundo ako, seaman may kasama siyang ka-trabaho niya. Galing naman sila ng Holland. Apat na buwan lang sila dun pero after 2 months babalik din sila. Yan ang kagandahan ng isang seaman, parang masarap ang buhay hindi katulad ng dalawang taon ang kontrata, matagal bago ka maka-uwi. Pero sila,  madalas ang pag-uwi at kung minsan matagal din makabalik.

Iba ang pakiramdam kapag bagong dating. Nakaabang ang kapamilya at lalo na ang mga kaibigan sa inuman. Maraming plano at gustong bilhin. At kahit anong oras bibili sila kung gusto nila.

Ikaw ganun ka rin ba? Sabagay minsan lang mangyari sa buhay ang ganyan at hindi mo na mararanasan yan kapag hindi ka na makapag-abroad. Pero sana maging marunong ka sa buhay at hindi sa lahat ng oras lagi kang may pera dapat mag-invest ka at bigyan halaga ang iyong kinita. Isipin mo ang kapakanan ng pamilya mo.

Wednesday, May 11, 2011

Maganda ang Panahon

source: tuggot.blogspot.com
Wala ng ulan. Maaga akong nagising dahil maganda ang panahon ngayon. Maliwanag. Mainit na naman! Abala na naman ang mga tao lalo na kapag maganda ang panahon. Masigla na naman ang negosyo dahil malaya ang mga tao sa pamimili kumpara sa tuwing umuulan.

Maaga pa lang, bukas na ang shop ko. Maaga rin pumunta yung isa kong customer para itanong kung paano daw gawin yung kanilang connection sa Globe. Hindi raw kasi sila maka-connect sa internet. Hindi pa naman ako gaanong abala kung kaya sumama ako sa kanilang bahay para tingnan kung ano ang problema. Hindi lang pala maayos na naka-connect yung kanilang linya kaya hindi sila makapag--internet. Ayun, ayos na. Itunuro ko na rin kung paano nila imi-maintain ang kanilang PC para maging maayos ang operation nito. Naituro ko sa kanila ang kahalagahan ng personal maintenance gaya ng disk clean up, defragmentation at virus scanning.

Sa ngayon, marami na rin mga Filipino ang may sariling computer hindi tulad noon na halos nasa internet shop ang mga ito para mag-rent ng computer upang maka-usap ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa. Kahit paano nakakatipid na sila kumpara sa mag-rent pa. Enjoy pa sila dahil kahit magdamag sila kausap ang kanilang mga mahal sa buhay. Advantage rin ito pa ra sa mga kabataan upang maging bihasa sa computer na siyang kailangan ngayon sa mga trabaho. Ngunit, iilan pa rin sa mga pinoy ang may technical na kaalaman sa computer kung kaya magastos din kapag may sira ang computer. Ganyan lang talaga ang buhay.

Isang simpleng pasasalamat ang narinig ko sa customer ko. Masaya na ako kahit paano, nakakatulong tayo sa kanila sa isang sandali.

Tuesday, May 10, 2011

Inuman, Patayan

Minsan, kung naging mayaman nga lang siguro ako ay nanaisin ko tumira sa isang tahimik at disiplinadong lugar. Yun bang tahimik at nakakataas ng moral. Yung hindi ka matatakot lumabas ng bahay kahit sa madaling araw, sa tanghali o sa gabi man. At saka, kapag lumabas ka ng bahay alam mong safe ang pamilya mo sa loob ng inyong tahanan. San kaya meron nito? 

Kahapon, meron na naman daw nasaksak dito sa amin. Hindi ko naman inalam kung paano ang nangyari, ibang usapan na yan! Ang kawawa nga lang yung nasaksak ng walang kamalay-malay. Marahil umawat kaya nadamay. Ang masakit, ngayon marahil nakakaawa ang pamilya 'nung nadisgrasya dahil tanging siya lang ang inaasahan ng kaniyang asawa't mga anak.

Ano hanap-buhay niya? Isa siyang magpi-fishball. Sila ay mula sa Samar. Narating ko na ang Samar at alam ko kung ano ang buhay na pinagdadaanan ng ilan nating mga kababayan doon. Kaya't ang iba ay sadyang nakikipagsapalaran dito sa Manila.

Marami yan silang nagtitinda ng fishball. Minsan maaaga pa lang pumupunta na sila sa kanilang supplier para sa hapon meron na silang ilalako. Sila-sila rin ang nag-iinuman nang maganap ang pangyayari. siguro nagkapikonan kaya nag-away. Siyempre ang nakakaawa ay ang agrabyado dahil nasa ospital. Sana maka-recover pa.

Sana, kung mag-iinuman iwasan ang gulo at wag ng mandamay pa ng ilang taong maayos at tahimik na namumuhay. Lahat tayo at may karapatang mabuhay at maging masaya sa mundong ito ngunit hindi para manakit at pumatay. Sana iwasan ang labis na pag-inom na hahantong lang sa away..

Monday, May 9, 2011

Sarado Na Kami

Bahagi ng aming negosyo ang internet. Maaga pa lang bukas na kami usually 6am lalo na pag maganda ang gising ko. O kaya minsan, kapag hindi ako makatulog mga 5am bukas na kami. Aga ano?

Sa buong maghapon, naghihintay kami ng tomer na papasok para mag-internet o magpa-print. Sa tagal ng oras naming bukas nakakapagod din. Pero minsan, lalong nakakapagod o nakakainis kapag meron taong hindi nakakaintindi. Para bang nangloloko na hindi mo maintindihan. 

Kagabi, dakong alas-7:30, dahil malakas ang ulan nagsarado na ako para makapagpahinga ng maaga. May bagyo kasi. Gaano ba kalayo ang shop ko? Malapit lang naman, sa baba lang ng bahay namin. Ito na! Tahimik kaming kumakain ng hapunan, ilang minuto may kumatok sa gate, "Tao po! Tao po!" Hindi namin pinansin dahil baka holdaper yan o salisi gang. Pero hindi pa rin umalis yung tao at patuloy pa rin siya sa pagkatok sa gate. Tumayo ang asawa ko, pinuntahan niya sa gate.

Misis ko: Sino yan?
Tao: Ate, may printer ho ba kayo? (mukhang bibili ng printer)
Misis ko: meron ho. (mukhang ibibenta yata ni misis printer namin)
Tao: Ate, pa-internet po.
Misis ko: sarado na kami e! nakita mo naman sarado na bintana namin kaya sarado na kami.....
Tao: (napakamot sa ulo sabay tingin sa bintana) ayyy, sarado na pala...

Isip ko sa tagal namin naghintay sa 'yo hindi ka dumating ngayon nagsarado na kami saka ka papasok uwi ka na lang bukas na ulit, bye!

Hehehe, meron bang sarado na bukas pa? At meron bang bukas na sarado? Akala niya siguro maiisahan niya kami e sarado na kami!

Sana Kahit Minsan

Kahapon, pinanood ko ang laban nina Pacquiao at Mosley sa channel 7(GMA 7). Iniwan ko muna sandali ang pagbisita sa aking blog dahil gusto kong mapanood ang laban nila. Ala-una na ng hapon nang mapanood ko ang laban. Hindi ko na nakitang kumanta si Charice ng Pambansang Awit ng Pilipinas. Kahit sa telebisyon lang ay masaya na akong makita ang laban ni Pacquiao. Ang pinakamagandang round na nagustuhan ko ay ang round 3 kung saan napabagsak ni Manny si Shane Mosley ngunit hindi niya nasigundahan ito dahil patapos na ang round 3. Nakakalungkot pero ok lang dahil panalo pa rin naman si Manny bilang depensa sa kaniyang titulo.

Bagaman, hinimok niya ng mga pinoy na magsuot ng dilaw bilang tanda ng pagkakaisa laban sa kahirapan, iilan lang ang nagsuot ng kulay dilaw. Ibig sabihin, hindi pa ganap ang pagiging popular ni Manny. Kulang pa. Sa larangan ng Boxing, isa na siyang popular dahil kinikilala na siyang numero 1 pound-for-pound boxer. Gayunpaman, hindi pa rin niya maipapako ang pagiging no. 1 niya hanggang hindi niya makasagupa si Floyd Mayweather na karibal niya sa pagiging pound-for-pound boxer. Kung kelan, sana sa malaon na upang matapos ang speculation na takot si Manny.

source: Google
Sa larangan ng politika, nais ni Manny na labanan ang kahirapan ng bansa. Paano? Sa puntong ito, nais kong balikan ang kuwento tungkol kay dating Pangulong Ramon Magsaysay. Hindi pa ako buhay sa panahon na naging pangulo ng bansa si Ramon Magsaysay. Tanging sa bibig lang ng ilang tao at sa aking mahal na ina ko naramdaman kung gaano kadakila si Ramon Magsaysay. Upang lubos kong maramdaman sa aking sarili ang katotohanan, hinahanap ko ang kuwento niya. Noong nasa college ako, sa PCU library, binasa ko ang tungkol kay Ramon Magsaysay at natagpuan ko na totoo ang mga sinabi ng aking ina. Siya ang "Champion ng Masa". Tanging siya lang ang nakagawa ng kakaiba para sa mga Pilipino. Sa ugali at pakikitungo panalo siya. Dahil dito marami na ang pilit gayahin si Ramon Magsaysay ngunit hindi pa rin nila mapantayan ang kaniyang katangian. Ang tanging katagang naalala ko mula sa kanya, "......Huwag mong gamitin ang pangalan ko!"

 Si Manny Pacquiao? Mula sa isang mahirap na pamilya, siya ay nagsikap at pinasok ang ibang buhay pati na ang larangan ng boksing. Sa boksing siya naging kilala ng lahat bukod sa kanyang pag-aartista. At ngayon, liban sa pagiging boksingero, isa na rin siyang politiko na nangangako sa tao na lalabanan ang kahirapan ng bansa. Oo, marahil masasabi niyang ginagawa niya ito dahil sa unti-unti niyang ipinakikilala ang ating bansa sa pamamagitan ng kaniyang panalo. At sa tuwing nanalo siya, naging mataas at  masaya ang mga pinoy. Hinangaan siya ng ilang mga celebrity maging sa abroad. 

Marahil, ngayon na isa na siyang Congressman, hindi malayong pangarap din niyang tumakbo sa pagka-senator o maging presidente. Ngunit, sana kung ilang taon pa ang lilipas at maging ganap ang kaniyang pangarap sana hindi siya maging tulad ng ilang politiko na gahaman sa salapi at ginagamit lang ang popularidad sa lihim na pangarap. 

Bagyo: Bebeng

Siguro mga tatlong araw na ang nakalipas nang mabasa ko ang tungkol sa parating na bagyong ito mula sa PAGASA. Medyo, naalarma na agad ako at alam kong anumang oras magkakaroon na naman ng malakas na pag-ulan. Kahapon nga, ay nagsimulang umulan bandang hapon na(dakong alas 6) at lumakas ng mga ilang minuto dito sa amin sa Taguig. Katunayan, ang aming kanal ay umapaw dahil hindi nakayanan ang biglang pagbuhos ng ulan, o maaaring meron bara kaya hindi maayos na makadaloy ang tubig. 

Parang nakakaramdam na naman ako ng takot dahil nga sa mga nakaraang bagyo na naranasan namin. Halos tuklapin ang lahat ng atip sa bahay at ang sa sipol pa lang ng bagyo, nakakatakot.

Siyempre, kapag may bagyo senyales na naman ito ng sakuna at aksidente, pagbaha at pagkasira ng mga pananim o ilang mga ari-arian. Siyempre hindi na naman safe ang magiging kalagayan ng bansa pati ang mga pinoy lalo sa mga probinsiya. Siyempre maiisip mo na naman kung kamusta na kaya ang kalagayan ng mga mahal mo sa buhay na nasa ibang sulok ng bansa. 

Hanggang ngayon manaka-naka pa rin ang pag-ulan dito sa amin sa Taguig City. Bahagyang napawi ang matinding init dahil sa pag-ulan at naging malamig ang simoy ng hangin. Kahit paano, nakatulong ang ulan para mawala ang sobrang init na kahit may electric fan ay hindi pa rin makayanan ang init sa loob ng bahay o sa labas man.

Ang mga nasa abroad na mga pinoy, mag-iisip na naman kung ano na ang kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay dito sa 'Pinas. Ang pinakamataas na signal na ipinalabas ng PAGASA ay nasa signal # 2 sa ilang lugar ng Pilipinas.

Sunday, May 8, 2011

Nokia 50/50

Siguro ilan sa inyo alam lahat ng modelo ng mga cellphone. Ako, hindi ko alam kasi ginagamit ko ngayon e luma pa rin. Mahirap lang kasi. 

Meron iba't ibang model ang Nokia, Samsung at kung anu-ano pa. Kalimitan sa dami ng modelo ang mga customer hindi na alam kung ano ang maganda at patok ngayon. Meron mamahalin at meron naman mumurahin. Mayroong sira na at meron din sisirain pa lang. May ayos na at meron namang inaayos pa lang. Grabe ano, Nakakaloko! 

Kaya ingat kayo kasi baka hindi maganda yang nakuha nyo. Meron technician kaunti lang naman ang sira pinalaki. Ang malaki ang sira pinaliit para bayad agad. Minsan may tomer nagtanong sa technician, dahil baguhan pa lang siguro ang may-ari hindi rin alam ang model ng cellphone nya. Nong tinanong niya ang technician kung ano nga bang model ng cellphone na pinaayos niya ang sagot sa kanya, "Nokia 50/50". Waahhh........sira nga.

Smuggled Hot Cars and Motorbikes

Ang buhay nga naman, hindi mo rin talaga masasabi na merong mga pinoy na likas na magagaling.....magnakaw. Sa kuwentong ito naalala ko yung palabas na "Gone in 60 seconds". Pinagbidahan ng paborito kong artista na si Nicolas Cage at siyempre ng isang magandang leading lady na si Angelina Jolie. Sa movie, ipinakita doon kung paano sila dumali ng mga magaganda at magagarang sasakyan(Cars).

Ano naman ang kaugnayan ng palabas? Akalain mo yung isang Harley Davidson na P3.4 million($79,000) na pag-aari ng isang Hollywood writer e nadali at nang hinanap dito lang sa bansa natin natagpuan. Mantakin mo pati ang Mindanao ngayon ay medyo pumangit na ang imahe dahil dito. Sa Cagayan de Oro, sa Talacag Bukidnon natagpuan ang nasabing motor o "big bike". Ang hindi pa maganda sa pandinig ay ang umano'y pagiging malakas ng isang taong ito na hinihinalang smuggler sa BOC o Bureau of Customs. 

Akala ko sa Manila lang maraming "Gone in 60 Seconds", pati na rin pala ang Bukidnon meron na rin. Kawawang Mindanao na aking pinagmulan. 

Bakit nadawit ang customs? E hindi na bago ang ahensiyang ito sa pandinig ng maraming pinoy pagdating sa mga kalakal galing sa ibang bansa. Masarap yatang magtrabaho dito. Gaganda ang buhay ng mo pag dito ka nagtrabaho. Kaya parang taas-noo ang mga taong nagtatrabaho dito dahil sarap ang buhay ng mga nasa posisyon. Isang pasanin ni P-Noy ang ahensiyang ito.

Saturday, May 7, 2011

Mother's Day Pala Ngayon

14k Yellow Gold Plated Sterling Silver "A Mother Holds Her Child's Hand For A Short While And Their Hearts Forever" Heart Pendant, 18"Pasensiya na, nasanay na kasi akong hindi inaalala ang mga ganitong okasyon bagamat ang lahat ay nagbibigay pugay sa kanilang minamahal na ina. Ang iba ay bumubili ng bulaklak, gumagawa ng sulat, nagbibigay o nagpapadala ng card at kung ano ang puwede nilang maisip para lamang sa kanilang ina. Habang sinusulat ko ginagawa ko ang post na ito, parang tinatanong ko ang aking sarili, "mahal ko ba ang mother ko?"

Ang araw na ito ay espesyal sa ibang tao. Pero, tanong ko lang, gaano mo ba kamahal ang mother mo? Ako hindi kasi ako showy pagdating sa ganyan, dahil ayokong maging malungkot. Pero, sobrang mahal ko ang nanay ko dahil sa mga nagawa niya sa 'ming magkakapatid. Sobra ang sakripisyo niya lalo na kung dalawa na lang kami ng bunso ko kapatid ang hindi pa nakatapos ng pag-aaral. Pero may mga anak naman na walang paki sa kanilang magulang, generally sa kanilang ina. 

It's not enough to say good during mother's day kundi gawin mo ang responsibilidad mo sa magulang mo kahit hindi mother's day. Oo nagbigay pugay ka nga pero hindi mo naman siya kinakalinga, inaalagaan at sinusustentuhan para sa kaniyang pangangailangan. Wala ring saysay. 

Ikaw, maaatim mo bang makitang balisa ang nanay mo dahil walang pera, may sakit at hindi maganda ang kalagayan. Sana naman, kung sampo kayong magkakapatid, dapat planuhin kung paano mailalagay sa maayos na buhay ang mother nyo. Ngunit, sa katunayan iilang lang ang anak na tunay na nagmamahal sa kanilang ina o mga magulang.

Ako, sabi ko sa mother ko, "wala akong yamang maibibigay sa iyo pero ang pagmamahal ko sa iyo 'nay ay higit pa sa buhay ko".

Friday, May 6, 2011

San Ka Pupunta?

Meron akong kapitbahay, kinuha niya ang mga address ng lugar na pupuntahan niya. Mga agency siguro iyon na aaplayan niya sa bandang Harrison Plaza, Manila. Nagpa-xerox sa 'kin ng kanyang mga dokumento, 26 pages lahat. Halagang 50 pesos ang binayaran niya sa akin. Kailangan daw niyang puntahan ang mga iyon. Mga patungong Taiwan ang hinahanap niyang trabaho dahil ayaw na niya sa Middle East. Hanap niya ang malaking sahod. Ikaw malaki ba sahod mo sa ibang bansa?

Umaasa siyang agad na makakaalis. Kumita ng malaki at mabayaran ang sinasabi niyang mga utang. Lahat naman tayo may utang. Tinanong niya ako kung balak ko pang umalis. Sabi ko: "Parang mahirap na yatang umalis." Nasanay na ako sa buhay sa Pinas. Mahirap pero parang mas mahirap malayo sa pamilya. Ikaw, uuwi ka ba dahil sa lungkot? Kung nasa ibang bansa ka na rin lang, pagtiyagaan mo na ang job mo at ang kalagayan mo total pag umuwi ka naman, "one day millionaire ka naman". 

Ako nagtitiyaga sa maliit na business na minsan malaki ang kita minsan tama lang. Ganon talaga ang buhay sa Pinas. Kailangan lang nating maging marunong sa tamang pag-budget ng pera. Minsan naiisip natin na sumuko pero nanaig pa rin ang pangangailangan nating mabuhay dahil nga may umaasa sa atin. Pero, isipin mo marami namang tulad nating pinoy ang hindi umalis ng bansa, pero naging maganda ang buhay sa Pinas.

Thursday, May 5, 2011

Dilaw na Gloves

source: Google
Boxing gloves. Oo, boxing gloves nga ito na siyang magiging kulay ng gloves ni Manny sa araw ng laban nila ni Shane Mosley. Bakit kaya? 

Ano ba ang ibig sabihin ng kulay dilaw? Alamin natin saglit. Ang dilaw, kung maalala natin ay simbolo ng Edsa noong panahon ni Cory. Dilaw din ang naging kasuotan ni Ninoy nitong nakaraan na eleksiyon. Sa watawat naman, simbolo ng araw, ibig sabihin ay liwanag. Maari ding maging simbolo ng panibagong pag-asa. Sa trapiko, ayon sa question and answer.com, ay isang palatandaan na "ready to stop". Sa akin, ang traffic light na yellow ay "bilisan mo dahil baka maabutan ka ng stop". 

Para kay Pacman, kung bakit dilaw, ay upang ipakita ang panibagong hamon para sa kahirapan. Si Pacquiao, naging mahirap, nagsikap sa kabila ng iba't-ibang hamon ng buhay at ngayon nakaahon. Maaring nais niyang isuntok ang hamon ng kahirapan, upang makita ng pinoy kung paano dapat lumaban. Natawa naman ako sa mga comments doon sa page related sa laban ni Pacquiao. Kesyo hindi kahirapan ang problema ng bansa kundi marami lang ang kurakot sa ating bansa kung kaya't naghihirap ang bansa natin. Tama nga naman. Kurapsyon ang isang ugat ng kahirapan at isang pasanin ng buhay dito sa pinas. Pero, ok lang kung yan ang isang adhikain ni Manny Pacquiao para sa ating bansa.

Para sa akin, dapat maging tapat ang ating mga lider para tuluyan ng mapuksa ang kahirapan. Samahan ng kaunting sakripisyo at hindi puro sarili ang unahin.